Thursday, June 13, 2013

LAYA

Emosyonal. Emosyonal daw ang mga Pinoy. Masyado raw nagpapaapekto sa mga bagay-bagay na nakikita, nababasa o napapanood nila. Mabilis maniwala, kahit hindi naman makatotohanan ang mga ito.

Nitong mga nakaraang araw, sunud-sunod na naglabasan ang mga balita tungkol sa mga biro, mga satire, at works of fiction na agad-agarang pinaniniwalaan ng karamihan sa atin. May mga nagrereklamo, nasasaktan, nagpapakita ng mga matitinding reaksyon sa mga nababasa o napapanood nila at may mga naninindigang sila ang tama, at mali ang kung sinumang sumulat o nagbitaw ng biro, ng satire, o ng fictional work.

Nariyan sina Dan Brown, Vice Ganda, Professional Heckler, SoWhatsNews, at Pol Medina,  Jr., na ilan lamang sa mga tumanggap ng batikos dahil sa kanilang mga isinulat o sinabi tungkol sa iba’t ibang paksa sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pinoy. Napakatinding batikos na umikot sa iba’t ibang bahagi ng lipunan. Walang pinili. Mayaman, mahirap, nakapag-aral, mangmang, bata, matanda, girl, boy, bakla, tomboy, butiki, baboy.


Lahat na nag-react. Karamihan, galit. Nagpupuyos ang damdamin. Hindi totoo yan, sabi nila. Hindi raw ganoon ang mga Pinoy. Hindi raw ganoon ang Pilipinas. WAG N'YO KAMING SALINGIN, sabi nila. Kulang na lang sabihin nila, BAWAL MAGBIRO SA PILIPINAS. NAKAMAMATAY.


Bakit nga ba ganoon ang mga Pinoy? Bakit ang bilis nating maniwala at ma-offend? Hindi ba natin alam ang ibig sabihin ng biro, ng satire, ng fiction?

Karamihan sasabihin mangmang kasi kaya ganyan ang reaksyon. Iyan ang sasabihin ng mga mayayabang, mga mapagmataas, mga akala mo kung sinong dalubhasa, nakatuntong lang ng kolehiyo.

Sa palagay ko, hindi simpleng kamangmangan o kawalan ng pinag-aralan ang dahilan kung bakit ganyan ang mga Pinoy. Nasabi ko na ito sa blog post ko tungkol kay Vice Ganda. Ito ang konsepto ng COLLECTIVE INSECURITY.

Sobrang lalim ng pinanggagalingan ng ganitong attitude ng mga Pinoy. At isisisi ko ito sa halos apat na raang taong paninikil ng malayang pag-iisip at pagbuo ng mga pananaw at kuru-kuro tungkol sa mga bagay na nagaganap sa paligid natin bilang isang lahi. Binobo tayo ng mga nanakop sa atin. Sadyang ginawang mangmang para hindi magtanong, mag-imbestiga, makialam. Kinulong nila ang ating kakayahang mangarap, bumuo ng adhikain, lumibot nang malaya sa loob ng ating isipan. Noong panahong iyon, BAWAL MAG-ISIP. NAKAMAMATAY. Literal. Tignan na lang ninyo ang mga bayaning nangahas magtanong, mag-imbestiga at makialam. Tunay ngang nakamamatay.


Hindi roon natapos ang pagkakakulong ng ating kamalayan bilang isang lahi. Naging masyadong convenient para sa mga may kapangyarihan na wala tayong alam, na hindi tayo nagtatanong, na hindi tayo nakikialam. Natural gusto nila iyon dahil nabigyan sila ng kalayaang gawin ang anumang gustuhin nila sa kapangyarihan nila, sa bansa natin, sa mga kababayan natin, sa mga kababaihan natin, sa mga likas na yaman natin, sa mga lupain natin. Pinaghati-hatian nilang parang treasure na nahukay lang kung saan, na animo’y walang nagmamay-ari. BAWAL MAKIALAM. NAKAMAMATAY.


Marahil nagtatanong kayo: ano ngayon ang kinalaman nito sa mga biro, satire at fiction na mukhang hindi naiintindihan ng mga Pinoy? Ang mahaba at malalim na kasaysayan natin ang salarin kung bakit ganito ang takbo ng isip natin. Karamihan sa atin, nakapag-aral man o hindi, ay nakakulong pa rin ang mga isipan sa napakaraming henerasyon ng paninikil. Marahil isasagot ninyo, hindi totoo ‘yan! Malaya ang aking pag-iisip. Nakapag-aral nga ako ng kolehiyo eh.

Ngunit iyan mismong reaksyon na iyan ang nagpapatunay na, tulad ng sinabi ko, marami pa rin sa atin ang patuloy na nakakulong sa napakaraming tradisyon, paniniwala, superstisyon, at stereotypes. Sa sobrang lala at tagal ng pagkakakulong ng iba, hindi na nila alam na nakakulong sila. Hindi nila alam na patuloy silang inaalipin ng limitasyon sa kaisipang hindi nila batid na naroon pala. AKALA lang nila malaya sila. Pero pansinin nating maigi ang mga biro natin, ang mga salitang namumutawi sa ating mga labi sa mga simpleng pang-araw-araw na gawain. Mga “trabahong panlalaki”, mga “damit pambabae”, mga “taong galing sa mabuting pamilya”, mga “pinakamahusay na paaralan at mga others”, mga “bawal at hindi bawal sa Catholic schools”, “mga nararapat na trabaho para sa mga taong matataba”, at napakarami pang mga rehas sa kaisipan natin.

Kaya tayo ganyan mag-isip dahil hindi natin alam kung paano kilatisin ang mga bagay na nakaambang isubo sa atin. Para kang sinubuan ng foie gras – sasabihin mo, wow, sosyal, mahal, pang-mayaman, masarap ha at masustansya. Talaga lang ha. Hindi mo iisiping teka, saan ba galing ang foie gras? Saan ba gawa iyon? Paano ba ginagawa ang foie gras? Ano bang laman noon? Tapos pag sinubuan ka ng pinakuluang malunggay – sasabihin mo, ano ba ‘yan hindi masarap! Walang lasa! Puro dahon tapos kulo lang ang luto. Pangit! Ayaw ko n’yan. Walang sustansya ‘yan. Weh, di nga? Basa-basa rin ha pag may time.

Nasanay tayong tanggap lang nang tanggap ng mga bagay na nakikita, napapanood at nababasa natin. Hinahayaan nating makapasok ang mga ito sa ating kamalayan nang walang pagsasala, walang screening committee. Tapos ang reaksyon natin, laging biglaan. Impulsive. Reaksyong hinubog ng ating upbringing, na hinubog naman ng daan-daang henerasyong nagsalin-salin ng mga kaalaman, tradisyon at paraan ng pag-iisip. Ang tunay na malayang pag-iisip ay MALAWAK. BUKAS SA KUNG SAAN MAN TAYO DALHIN NG ATING IMAHINASYON AT PANG-UNAWA. DAHAN-DAHANG TINUTUKLAS ANG MGA BAGAY NA NAKIKITA, NAPAPANOOD, O NABABASA.

Dito natin simulan ang tunay na kalayaan – sa ating mga pag-iisip. Buwagin natin ang mga rehas, ang mga tanikalang nakabalot sa ating mga utak at puso. Mas mabilis at mas tiyak ang ating pag-unlad hindi lamang bilang tao, kundi bilang isang bansa, kung tunay at wagas ang kalayaan natin.

Sa isip, sa salita at sa gawa.

No comments:

Post a Comment