Wednesday, May 22, 2013

Eleksyon Sa Mata Ni Class D


Naku. Alas-singko na. Magpapakulo pa ko ng Laki Mi. Teka nga.

Uy, Jay, gising na. Maligo ka na. Lunes na Lunes, late ka na naman.

Ay tanga. Halidey pala. Eleksyon ngapala.

Wala ngapalang pasok, tol. Sige, tulog ka pa. Bangon ka na lang pag nagutom ka na. Iiwan ko yung Laki Mi sa mesa.

Asan na ba yung yosi...ayun. Aray ko putang ina. Lagi na lang akong napapaso dito sa kalan. Buwiset.

Hindi masyadong mainit ngayon ah. Salamat naman. Pero wag din sana umulan. Hirap naman maglalakad papuntang Burgos para bumoto, tapos uulan. Hasel. Maputik. Isusuot ko pa tong maong bukas sa trabaho.

Mas ok ang maong pag di madalas labhan. Malambot. Masarap sa balat. Wag lang umabot sa puntong sobrang dumi na mangangati ka na.

Hoy, Obet. San ka? Burgos?

Aga pa kaya. Sarado pa yun. Ah, watcher ka ngapala. Magkano bigay ni Kap?

Aba malaki ah. Di mo man lang ako sinama.

Sus. Hindi na. Magdadahilan ka pa. Sige na umalis ka na. Baka ma-late ka na. Mabawasan pa kita mo. Hahaha!

Ingat, pre. Aasahan ko yang pa-shot mo ha. Manalo, matalo ha.

Hahaha! Gago. Kyut ka jan.

Yung Laki Mi.

Tang ina. Tupayb plas pagkain. Sayang yun ah. Di ko naman kasi nalaman agad. Buwiset. Pero maigi na rin. Magulo dun e. Ayos na yung nakuha ko kay Kap nung Biyernes. Paybhandred walang kahirap-hirap. Pila lang nang konti, dala ng ID. Ayos. Pandagdag din sa pang-araw-araw namin ni Jay. Malaking tulong na rin.

Sino nga ba nagbigay? Tsk. Nakalimutan ko na. Di bale. Di ko naman iboboto yun. Di ko naman sila kilala. Biglang susulpot lang pag eleksyon, mga walang kuwenta. Kala nila naloloko nila kami. Gago ba sila. Eh kami dito na tumanda. Kada eleksyon, papangit nang papangit. Bahala sila sa buhay nila. Basta nakuha ko na paybhandred ko.

O, bat gising ka na? Aga pa ah. Matulog ka pa.

Sus. Pag may pasok, ayaw mo bumangon. Ngayong halidey, ang aga mo gumising. Para kang tanga. Sige na kumain ka na. Mainit pa yang Laki Mi. Kapapatay ko lang ng kalan.

Tong sinusulat ko? Yung mga iboboto ko mamaya. Baka may makalimutan ako e. Sayang naman. Puro senador lang. Nakalimutan ko yung pangalan nung nagbigay nung paybhandred na kinukuwento ko sayo nung Biyernes pag-uwi ko. Di ko na maalala. Kaya senador na lang.

Oo. Ok lang yun. Di naman nila malalaman kung ibinoto ko talaga sila o hindi. Basta importante nakubra na natin yung pera. Pandagdag sa gastusin.

Gago ka e. Kung nagrehistro ka, e di sana may paybhandred ka rin. Pangload mo jan sa lintek na bisyo mo. Imbes na humihingi ka pa sakin. Naturingan kang may trabaho.

Tang ina. Kung di ka lang ibinilin sakin ni Mama. Hay naku.

Teka, di ko pa alam e. Gusto ko syempre kumpleto lahat ng dose. May narinig ako, baka raw gamitin yung balota pag di sinagutan lahat. Pucha, magagamit pa ko sa pandaraya. Di na no. Buti sana kung panibagong paybhandred.

Namber 1 ko si Grace Poe. Syempre. Anak ni FPJ yan. Ang dami kayang natulungan nun. Naalala ko si Berto, yung taga-Decena. Yung tatay nya, nakahingi kay FPJ dati ng pampagamot kay Berto. Nakalimutan ko na kung anong sakit. Basta laging kinukuwento ni Berto yun e. Na si FPJ daw nagpagaling sa kanya. Utang daw nya kay FPJ ang buhay nya. O di ba? Kung anong magulang, sya rin ang anak.

Ampon? San mo naman narinig yan?

Naku. Nagpapaniwala ka sa palabas na yun. Tsaka kung ampon man talaga sya, e malamang sina FPJ naman ang nagpalaki sa kanya kasi mayaman sila. E di namana na rin nya ang kabutihan nung mag-asawa. Ganon na rin yon. Tsaka nakita mo naman si Grace Poe. Mukhang ambait-bait. Parang si Lisa, yung boarder ni Sita jan sa tabi. Ang puti. Laging nakaayos, pero simple lang. Ang linis-linis tignan. Ayos yun di ba?

Namber 2 ko si JV. Syempre anak ni Erap yun.

Nakulong? Naku, nagpapapaniwala ka don sa mga yon. Frame up lang yun, parang yung kay Jun sa kanto. Di naman talaga sya may kasalanan. Sya lang tinarget kasi sya mataas e. Tsaka maambisyon daw si Gloria, sabi nila. Narinig ko rin sa radyo yun e. Pinagplanuhan nila si Erap kasi talagang inuna nya ang mga mahihirap. Syempre, yung mga mayayaman, ayaw yun. Natural sila lang dapat makinabang. Mga leche. Tsaka matagal din nanilbihan si JV. May alam yun. Hindi tatanga-tanga, parang si Sotto. Ewan ko kay Bossing kung bat di pa pagresignin yun. Sabi sa radyo, gaya-gaya raw sa mga spits nya. Tapos tatanggi. Walang bayag. Pwe.

Namber 3 ko si Nancy Binay. Ang ganda kaya ng Makati. Tama yung nasa komersyal. Biro mo, pagagandahin daw nila ang buong Pilipinas na parang Makati. Pucha, araw-araw ako naikot sa Makati. Ang ganda talaga. Ang linis. Ang tataas ng mga bilding. Ang daming pera ng mga tao, kahit yung mga batang empleyado. Sino ba naman ang ayaw non? Tapos sabi ni Mercy, sa Makati raw libre sa ospital. Yung lola nya, libre sa sinehan. Tapos may keyk pag bertday!

Oo! Keyk!

Di ko alam kung anong pleybor, basta may keyk. San ka pa??? Sarap ng buhay pag nakapuwesto yang si Nancy.

Namber 4 ko si Alan Peter. Naikuwento sakin ni Sir yung nangyari daw sa Senado, nung nag-away si Enrile at si Alan Peter. Di raw nagpatalo si Alan Peter e. Nilalampaso na sya, pinapahiya na sya, tuloy pa rin ang birada. Ang galing daw! Ang tibay ng dibdib. Di nagpatalo dun sa matanda. Syempre gusto ko matapang yung senador. Di basta-basta titiklop.

Si Jun Magsaysay? Ewan ko lang. Di ko kilala yun e. Sikat lang ang pangalan, pero ano na bang nagawa non? Wala naman yata. Di ko naman nakikita sa TV o naririnig sa radyo yun. Di ko nga matandaan ang mukha e.

Teka, san na ba ko? Ayun. Namber 5 ko si Loren Legarda. Di ako pamilyar sa mga nagawa nya. Pero ang tagal na nyang senadora di ba? Ibig sabihin non, maraming bumoboto sa kanya. Laging nananalo e. Maraming naniniwala sa kanya kung ganon. Kasi kung totoong walang kuwenta yan, e di sana matagal na syang natalo. Pero hindi e. Hindi pa nga yata naaalis yun e. Ewan ko ah. Malamang may kuwenta sya.

Oo. Dating reporter. Sa ABS. Malamang simula noong panahon na yon, dami na nyang natulungan. Kaya iboboto ko yan si Loren.

Namber 6 ko si Chiz. Magaan ang loob ko sa kanya pag nakikita ko sya sa TV. Parang hindi marunong magsinungaling. Mukhang mabait talaga. At totoong tao. Hindi yung iba na kala mo kung sinong mayaman. Parang yan si Gordon. Di nga yata marunong magtagalog nang tuwid yun e. Pag naririnig ko sa radyo, parang hirap. Ingles nang ingles. Basta ayoko yun.

Namber 7 ko si Trillanes. Yun ang totoong palaban. Naalala mo dati yung napanood natin sa TV, yung nang-hostage sila sa bilding sa Makati. Ano nga bang lugar yun? Owkmoon? Owkmoon di ba? Oo yun nga. O ang tapang di ba. Matibay ang dibdib. Kayang suungin lahat. Gusto ko yun. Walang inuurungan.

Yan din ang dahilan kung bat iboboto ko si Gringo. Namber 8 ko sya. Dating rebelde yun nung bata pa ko. Nilalabanan ang gobyerno. Pero ngayon, tumutulong na rin sya sa gobyerno. Gusto ko talaga yung mga matatapang. May paninindigan.

Namber 9 ko si Bam Aquino. Aba, e parang ama nya yan. Kung si Ninoy ang laki ng malasakit sa bansa, syempre pati anak nya ganon din. Akala ko nga si  Presidente lang ang anak na lalaki ni Ninoy. May isa pa pala. Kamukhang-kamukha e.

Teka, wala pa kong maisip na ilagay. 3 pa. Sino pa kaya? Dun na lang sa presinto pag nakaupo na ko.

Sasama ka? O sige tara. Di naman bawal. Tsaka malay mo may mag-abot ulit ng pera. Para meron ka rin. Maligo ka na.


No comments:

Post a Comment