Emosyonal. Emosyonal daw ang mga Pinoy. Masyado raw nagpapaapekto sa mga bagay-bagay na nakikita, nababasa o napapanood nila. Mabilis maniwala, kahit hindi naman makatotohanan ang mga ito.
Nitong mga nakaraang araw, sunud-sunod na naglabasan ang mga balita tungkol sa mga biro, mga satire, at works of fiction na agad-agarang pinaniniwalaan ng karamihan sa atin. May mga nagrereklamo, nasasaktan, nagpapakita ng mga matitinding reaksyon sa mga nababasa o napapanood nila at may mga naninindigang sila ang tama, at mali ang kung sinumang sumulat o nagbitaw ng biro, ng satire, o ng fictional work.
Nariyan sina Dan Brown, Vice Ganda, Professional Heckler, SoWhatsNews, at Pol Medina, Jr., na ilan lamang sa mga tumanggap ng batikos dahil sa kanilang mga isinulat o sinabi tungkol sa iba’t ibang paksa sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pinoy. Napakatinding batikos na umikot sa iba’t ibang bahagi ng lipunan. Walang pinili. Mayaman, mahirap, nakapag-aral, mangmang, bata, matanda, girl, boy, bakla, tomboy, butiki, baboy.